Monday, January 13, 2014

[NEWS]Sa gitna ng panganib ng 7.2 magnitude na lindol.. 7 sa bawat 10 Bulakenyo, pabor sa Dam Break Drill

Matapos ang isinagawang Angat Dam Break Drill noong Disyembre 13, pito sa bawat sampung Bulakenyo ang pumabor sa naging hakbang ng pamahalaang panlalawigan.

Tinatayang umabot ng 12,000 ang lumahok sa nasabing aksyon ng Provincial Government of Bulacan sa tulong na rin ng iba’t ibang ahensya nito at apat sa mga pangunahing unibersidad ng lalawigan; Bulacan State University, Bulacan Polytechnic College, La Consolacion University- Philippines at Centro Escolar University.

Nagdulot naman ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga Bulakenyo.

Para kay Ernesto Villafuerte, Education major mula sa BulSU, ang nasabing drill ay makakatulong sa lalawigan para maging handa sa maaring maging sakuna ng pagkawasak ng dam.

“Sa pananaw ko bilang isang mag-aaral, ang pagsasagawa ng ganitong drill ay nagpapatunay lamang na tayo ay dapat na mamulat na mula sa mga naranasan natin mga kalamidad sa ating bansa na nagdulot ng maraming pinsala.” anito.

Ganito rin ang saloobin ni Katrina Bautista mula sa Tikay, Malolos Bulacan.

“Nabigyan ng impormasyon ung mga bata tungkol dun sa danger ng Angat Dam if ever nga na masira ‘yon, sa ginawa nilang drill alam na ng karamihan kung paano ang gagawin, hindi ‘yong mamamatay nalang tayo ng walang ginawa,” ani Bautista.

Sa kabila nito, may ilang mga residente na nagsasabing hindi sapat ang drill para mailayo sa tiyak na kapahamakan ang humigit kumulang tatlong milyong Bulakenyo.

“Kasi if ever man na mabibiyak o masisira ang dam for sure kahit may time differential ang pag agos nun dito sa atin, hind nadin ako mag lalakad o tatakbo hahanap nalang ako ng building katulad sa school,” ani Andrew Estrella, IT Major ng BulSU.

Sinang ayunan naman ito ni Heidi Toledo, isang ina mula sa sa Guiguinto. Anito, mas kailangan ng Angat Dam ng pagsasaaayos at pagpapatibay pa kasabay ng paghahanda sa mga tao.

“Mahirap kasi na hinahanda mo ‘yong mga tao pero wala kang aksyon sa dam mismo. Pwede naman siguro na habang tinuturuan mo ang mga tao sa dapat gawin, kinukumpuni rin nila ‘yong Angat [Dam], mahalaga ‘yon, mas tumataas ‘yong chance na makaligtas tayo, kapag drill lang kasi, para kasing naghihintay lang tayo ng pagkamatay natin,” ani Toledo.

Ang kinatatakutan

Parte ang nasabing drill sa paghahandang isinasagawa ng Provincial Government of Bulacan simula nang kumpirmahin ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology Director Ronato Solidum ang maaaring pagyanig na magaganap sa nalalapit na panahon.

Ayon kay Solidum, isang 7.2 magnitude na lindol ang inaasahang maganap malapit sa Marikina West Valley Fault na nananalaytay hanggang sa isang parte ng Angat Dam. Dahil dito, noong 2009, agad na humingi ng tulong ang noo’y kinatawan na si Governor Willy-Alvarado sa National Government para sa isang agarang aksyon.

““The danger of movement of soil is near within a period of three years, but 2009 nang ako’y magdeliver ng privilege speech, it was already four years ago, hinog na hinog na,” ani Alvarado.

Sinasabing kapag nangyari ang pagkawasak ng dam dulot ng lindol, lulubog ang malaking bahagi lalawigan at ilang kalapit na probinsya.

“Ayon sa pag-aaral, ang ating Dam which is carrying 815 million metric tons of water, ay magdadala ng 30 metrong lalim ng tubig sa lalawigan ng Bulacan, Pampanga at Metro Manila,” dagdag ng Gobernador.

Naudlot na pagsasalba

Matapos ang privilege speech ng gobernador noong 2009, naglabas ng budget si Pangulong Noynoy Aquino noong nakaraang taon na nagkakahalaga ng 5.7 billion pesos para kumpunihin ang dam at patibayin ito. Ngunit ayon kay Alvardo, ni isang kusing ay wala pa ring nagagastos para sa nasabing proyekto.

“Dinedebate pa nila hanggang ngayon kung sino ba ang magpapagawa, ang national government ba o ang K-Water na Koreano, hindi tayo pagmamalasakitan ng mga Koreano, nandito lamang sila para magnegosyo,” hinaing ng gobernador.

Sinabi pa nito na mas makakabuti kung habang maaga pa ay masagawa na ang pagsasaayos sa dam dahil mayroon namang pondo para dito at nang sa gayon ay mapayapa na ang kalooban ng mga Bulakenyo. Sa privilege speech nito noong 2009, naglabas din ng sama ng loob ang gobernador sa hindi pakikialam ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ukol sa tunay na estado ng dam kahit pa 90% ng tubig na kinokonsumo ng Maynila ay galing sa Angat Dam.

“At ngayon, sa halip na pagtuunan ng pansin ang bagay na ito at paglaanan ng pondo ang pagkukumpuni at restorasyon ng Angat Dam upang mailigtas ang libu-libong mga naninirahan sa lalawigan mula sa kapahamakan, ay pagtatayo ng isang bagong Dam ang kanilang inaatupag at pingkakaabalahan. At ang kanilang ikinababahala ay ang inumin ng mga taga-Metro Manila sa 2015!” anito.

Nagbigay naman ng grade na 9 out of 10 ang Office of Civil Defense (OCD) Region III Director Josefina Timoteo sa ginanap na drill.

“Ganito rin po sana ang maging tugon ninyo sa aktuwal [na Dam Break] upang maiwasan ang pagkakitil ng buhay,” anito.

No comments:

Post a Comment