Balingkinitan, may mahiyaing ngiti, ngunit mababakas mo ang tatag ng loob. Ito ang larawan ng babaeng gumulat sa unibersidad nang pamunuan n’ya ang delegasyon ng mga kampeon sa taong ito.
Matapos ang tatlong taon ng sunod sunod na pagkabigong bawiin ang korona mula Bataan Peninsula State University sa Regional Higher Education Press Conference(RHEPC), isang malaking pagsubok ang hinarap ni Jasmin Lorraine Tan nang ibigay sa kan’ya ang pinakamalaking responsibilidad na maging Punong Patnugot ng Pacesetter, ang opisyal na pahayagan ng Bulacan State University.
Pero pinatunayan n'ya sa lahat na kaya n'yang ibalik ang korona sa unibersidad nang tanghaling Over-all Champion sa 13th RHEPC ang Pacesetter sa paligsahan ngayong taon.
Ngunit hindi lang simpleng tagumpay ang kan’yang naabot, naging maugong din ang kan’yang pangalan nang bukod sa kampeonato ay nakamit din n’ya ang parangal na Individual Highest Pointer ng nasabing kompetisyon nang angkinin n’ya ang tatlong unang parangal sa mga laban na kan’yang sinalihan; Sports Writing, Developmental Communications Writing at Opinion Writing.
Ngunit hindi minina ang mga ginto mula sa kawalan. Lingid sa kaalaman ng karamihan, malubak na daan ang tinahak ng nasabing dalaga bago pa man n’ya maabot ang nasabing estado.
‘Mga Dagok’
Lumaki sa di-mabilang na mga pagkabigo sa mga laban, magpasa-hanggang ngayon ay hindi pa rin s’ya makapaniwala na napagtagumpayan n’ya ang nasabing hamon.
“Tatlong beses akong nag-try sumali sa school publication namin no’ng high school, pero hindi ako natanggap,” pag-aalala nito sa nakaraan na tinuturing n’yang pinakamalaki n’yang pagkabigo. Inamin din n’ya sa napaaraming mga patimpalak na sinalihan n’ya noon ay lagi s’yang talo. Maging noong nakaraang RHEPC ay umuwi rin s’yang luhaan nang matalo sa Poetry Writing at makuntento sa 9th Place sa Sports Writing.
Pero hindi n’ya itinuring na dahilan para sumuko ang mga pangyayari sa nakaraan. Itinuring n’ya itong dahilan para mas pagbutihan pa.
“Biggest motivation ng tao ang failure from the past,” anito.
‘Pagbangon’
Nang magkaroon ng inspirasyon mula sa isang guro no’ng high school, pinili n’yang kunin ang kursong Journalism at sumali sa campus paper ng BulSU.
“Sabi ko talaga no’n sa sarili ko, ‘di pwedeng hindi ako sumali [Pacesetter],” aniya.
Doon din n’ya nadiskubre ang kan’yang talent sa Sports Writing at di maglaon ay nakahiligan na n’yang isulat ang mga ito.
“Masarap kasi isulat ang sports, maaksyon, pwede mong paglaruan ‘yong istorya,” wika pa ni Jasmin.
Sa kabila ng unti-unti n’yang pagbangon sa sarili, nang maging Editor-in-Chief ng nasabing publikasyon, ‘di mabilang na mga pagsubok pa rin ang kan’yang kinaharap.
“Nabansagan kaming weakest batch ng editorial board, may mga ‘di napagkasunduan, “ pag-amin nito.
Pero itinuturing n’yang malaking bagay ang mga tao sa paligid n’ya upang s’ya naman ang tumalo sa mga nasabing problema. Sa paggabay ng kan’yang pamilya, mga kaibigan, kaklase, at mga propesor, isa na s’ya ngayong inspirasyon hindi lang para sa mga kapwa Journalism-major ngunit para sa lahat ng mga nakaranas din ng mga pagkatalo sa buhay.
“Super galing naman talaga ni Jasmin, ayaw lang niyang maniwala sa sarili niya. Kayang kaya naman niyang maging on top pero grounded pa rin siya. Saka super proud kami sa kanya di lang dahil sa nanalo siya sa RHEPC, kasi napakabait niyan. mas inuuna pa niya yung iba kesa sa kasiyahan niya kaya deserve n'ya lahat ng nakukuha n'ya," ani Jesson Lagman, Associate Editor ng Pacesetter.
‘Mas Matatag na Pagharap sa Mundo’
“Dati, sobrang iyakin ako, pero ngayon, iyakin nalang ako,” natatawa n’yang wika nang kapanayamin s’ya ng aming klase. “Pero mas stronger na ako ngayon, masasabi kong mas matatag na ako,” anito.
Sa ngayon, patuloy pa rin n’yang ginagampanan ang tungkulin bilang EIC ng Pacesetter, kasabay ng pagbuno n’ya sa kan’yang thesis, at pagiging Associate Producer ng isa sa mga pelikula sa Sine Bulacan, isang patimpalak sa College of Arts and Letters ng BulSU.
At bilang isang inspirasyon, nag-iwan s’ya ng mensahe sa mga susunod na henerasyon ng mga estudyante sa unibersidad.
“’Wag kang mag-stay sa course mo kung hindi mo talaga gusto. Kasi ako, gusto ko talaga magsulat, mag-cover, mag-interview, kaya kahit mahirap nakakaya ko kasi gusto ko,” aniya.
Sa kan’yang nalalapit na pagtatapos sa unibersidad, napakalaki ng pangarap n’ya hindi lang para sa sarili kundi para sa pamilya. Maging writer sa isang sports magazine o isang broadsheet ang kan’yang plano sa mga susunod na panahon.
“5 years from now, hindi na ko umaasa sa family ko. Hopefully, makabawi sa lahat ng binigay sakin ng family ko.” pagtatapos nito.
No comments:
Post a Comment